KEYNOTE ADDRESS PARA SA SANDUGO

KEYNOTE ADDRESS PARA SA SANDUGO
ASEMBLEYA NG MGA PAMBANSANG MINORYA PARA SA SARILING PAGPAPASYA AT MAKATARUNGANG KAPAYAPAAN

Oktubre 14-15, 2016

University of the Philippines Diliman

ni Joanna K. Cariño

Cordillera People’s Alliance for the Defense of Ancestral Domain and Self Determination

Mapagpalayang pagbati sa lahat. Ako ay nagagalak na maging bahagi nitong makaysaysayang pagtitipon ng mga pambansang minorya ng Pilipinas upang igiit ang karapatan sa sariling pagpapasya at makatarungang kapayapaan.

Pagbubukas

Hayaan niyo muna akong magkwento ng isang alaala mula sa istorikong panahon ng First Quarter Storm bago ipataw ng diktador na si Ferdinand Marcos ang batas militar. Noong 1971, nangyari ang Jabidah Massacre. Bilang tugon, itinayo ni Nur Misuari, na bahagi noon ng Kabataang Makabayan, at ng iba pang mga progresibong Moro ang Moro National Liberation Front (MNLF). Napabalitang gusto nilang igiit ang sariling pagpapasya at ihiwalay ang Bangsa Moro sa Pilipinas.

Ako ay bahagi noon ng Kabataang Makabayan sa Baguio. Ang balita tungkol sa Jabidah Massacre at pagbubuo ng MNLF ay nagbunsod ng malaking interes sa usaping pambansang minorya, laluna sa hanay ng mga kabataan at estudyanteng Igorot, na noon ay nagsisimulang ma-organisa bilang Highland Activists. Dahil dito, nagtawag ang KM Baguio ng isang workshop sa usaping pambansang minorya, at sa tulong ng KM National ay nakapag-imbita kami mula sa MNLF. Hindi nakarating si Nur Misuari, pero dumating sina Nizam Abubakar atbp progresibong Moro mula UP Diliman.

Kaming mga aktibista ng Baguio ay wala pa noong mas malalim na pag-aaral hinggil sa usaping pambansang minorya at konsepto ng sariling pagpapasya. Ang tanging hawak na gabay ay ang maikling bahaging nasa LRP hinggil sa pambansang minorya bilang ispesyal na grupong panlipunan na biktima ng tsobinismo at pang-aapi, at na dapat kilanlin ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

Natatandaan ko na nagkaroon ng tunggalian hinggil sa porma ng sariling pagpapasya. Ang opsyon ng Kordilyera ay ang panrehiyong autonomya sa ilalim ng pambansang demokrasya, habang ang programa ng MNLF ay ang sesesyon, o ang pagtatayo ng isang hiwalay na Bangsa Moro. Hinikayat namin ang mga bisitang Moro na pumaloob sa programa para sa pambansang demokrasya dahil kinikilala nito ang karapatan sa lupa at sariling pagpapasya. Sa pag-alala, ang impresyon ko ay buo na ang kagustuhan ng mga kausap para sa paghihiwalay mula sa isang estado na nagpapatupad ng pambansang pang-aapi sa mamamayang Moro.

Ito ay nangyari 45 taon na ang nakalilipas, at pumupurol na ang alaala. Gayunpaman, ito ang naging simula ng aking pangmatagalang interes at pag-aaral sa usaping pambansang minorya, at sa teorya at praktika nito sa loob ng pambansa demokratikong pakikibaka.

Terminolohiya

Maglinaw muna tayo kaugnay sa terminolohiya. Ang terminong pambansang minorya ay nakabalangkas sa Marxistang pag-aaral sa pambansang usapin, at siyang ginamit sa PSR/LRP at mga dokumento ng pambansa demokratikong kilusan. Ang terminong katutubong mamamayan o indigenous peoples ay mas bago, at piniling pagkakakilanlan ng mga katutubo sa United Nations at pandaigdigang bulwagan. Ang katutubong mamamayan o indigenous peoples ang mga mamamayang nakapagpanatili ng ilang aspeto ng sinaunang pamumuhay sa harap ng kolonisasyon at sapilitang asimilasyon. Ang mga Igorot, Lumad, Aeta, atbp ay kapwa katutubo at pambansang minorya, habang ang Moro naman ay pambansang minorya pero di katutubong mamamayan dahil di katutubo sa Pilipinas ang Islam.

Istorikal ng Pagkakabuo ng Pambansang Minorya

Mahalagang mabalikan natin ang istorikal na batayan sa pagkakabuo ng mga pambansang minorya at katutubong mamamayan. Gagamitin ko ang ehemplo ng Kordilyera para maipakilala sa inyo ang mga kapatid nating Igorot, at dahil ang aming kasaysayan ay maaring magsalamin sa karanasan ng lahat ng pambansang minorya, laluna ang katutubong mamamayan.

(Introductory slides to Igorot, peoples of the Cordillera)

Ang naratnan ng kolonyalistang Kastila pagpunta dito ay ang mga hiwa-hiwalay na mga barangay na mala-komunal at mala-alipin, at ang namuo nang pyudalismo sa hanay ng mga sultanatong Moro. Nakolonisa ng Espanya ang kalakhan ng mga dating hiwa-hiwalay na mga barangay, subalit may mga bahaging hindi epektibong nakolonisa sa iba’t ibang kadahilanan, gaya ng magiting na pagtatanggol (gaya ng sa Kordilyera at Moro) at/o ang pag-iwas at paglikas sa mas bulubundukin, magubat at malalayong mga lugar, gaya ng Aeta, atbp.

Sa proseso ng kolonisasyon ay kumon na naranasan ng kalakhan ng populasyon ang pagpapaloob sa sistemang pyudal, sentralisadong kolonyal na pamahalaan at Kristiyanismo. Ang malalaking pagbabago sa lipunan na dinala ng kolonyalismo, kasabay ng kumon na pagsasamantala at pang-aapi na dinanas ng mamamayan ay nagresulta sa pagsasanib (integration) ng dati’y mga hiwa-hiwalay na mga barangay. Namuo ang bansang Pilipinas sa kagustuhan nitong igiit ang kasarinlan at lumaya sa kolonyalismong Kastila.

Ang mga bahaging hindi epektibong nakolonisa ng kolonyalismong Kastila ay hindi naging bahagi sa mga malalaking pagbabago sa ekonomya, pulitika at kultura sa loob ng tatlong daang taon. Nagpatuloy sila sa kani-kanilang katutubong pamumuhay, tradisyon, at paniniwala. Dahil sa malaking pagkakaiba na idinulot ng kakaibang karanasan sa kolonyalismong Kastila, habang nagsanib ang mayorya at namuo ang bansang Pilipino, namuo din ang mga pambansang minorya at katutubong mamamayan. Ininstitusyonalisa ng kolonyalismong Kastila ang pambansang pang-aapi at sobinismong Kristiyano laban sa di nila nakolonisa, kung kaya’y hanggang sa kasalukuyan ay may mga negatibong konotasyon sa terminong Igorot at Moro (moro-moro).

Sinakop at epektibong nakolonisa ng imperyalismong Amerikano ang kabuuan ng Pilipinas, kapwa ang namuo nang mayorya at ang minorya. Sa proseso ng kasaysayan ay sumanib na sa kabuuang istruktura ng mga uri at ng bansa ang katutubong mamamayan. Subali’t hindi naiwasto, bagkus ay nagpatuloy, at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan, ang pambansang pang-aapi at sobinismo laban sa mga pambansang minorya at katutubong mamamayan na naglalagay sa kanila sa di-pantay o mas mababang katayuan sa lipunan.

Pambansang Pang-aapi

Ang mga manipestasyon ng natatanging suliranin ng pambansang pang-aapi sa pambansang minorya at katutubo ay ang sumusunod:

  1. Di pagkilala at paglapastangan sa karapatan sa lupaing ninuno
  2. Di pagkilala at paglapastangan sa mga katutubong istrukturang sosyo-pulitikal (KISP) at misrepresentasyon
  3. Istorikong pagpapabaya ng gobyerno (historical government neglect)
  4. Komersyalisyon at bulgarisasyon sa katutubong kultura
  5. Institusyonalisadong diskriminasyon, tsobinismo

Ginagamit din natin ang terminong development aggression upang ipakahulugan sa mga malalaking proyekto gaya ng dambuhalang minahan, pagtotroso at dam na dinadala ng Estado, kakumplot ang mga komprador at imperyalista, na nakasisira sa mga katutubong pamayanan. Andyan din ang matinding militarisasyon at paglapastangan sa karapatang pantao gaya ng extra judicial killings at bakwit sa maraming komunidad. Ang development aggression at matinding militarisasyon ay maaring magresulta sa etnosidyo, o ang pagpunas sa natatanging kakanyahan at identidad ng isang tribo o komunidad dulot ng pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas o pagpapalikas sa kanilang lupaing ninuno. Dahil kung ihihiwalay mo ang katutubo sa kanilang lupaing ninuno ay inaalis mo ang materyal na batayan para sa kanilang kakanyahan at identidad.

Perpetrators of National Oppression

Dahil sa kinikilala natin ang istorikal na batayan ng pagiging pambansang minorya at katutubong mamamayan, at dahil ninanais natin na mabuo ang mas mahigpit na pagkakaisa sa pagitan ng mayorya at ng minorya, naglilinaw tayo na ang sobinismo ng nakararaming Pilipino laban sa katutubo ay produkto ng mga institusyon ng lipunang nakagisnan nila, gaya ng batas, edukasyon, relihiyon, masmidya atbp, na sa kasaysayan ay nagkalat ng sobinismo at diskriminasyon laban sa mga katutubo.

Ang may kontrol sa mga institusyon ng lipunan mula noong panahon ng kolonyalismo hanggang sa kasalukuyan ay ang mga reaksyonaryong naghaharing uri, kaya sila ang may pananagutan para sa pambansang pang-aapi, hindi ang mayoryang Pilipino. Hindi mapapawi ang pambansang pang-aapi hangga’t hindi mababago ang malakolonyal at malapyudal na lipunan at mapalitan ng isang tunay na malaya at demokratikong sistema na magwawasto sa pambansang pang-aapi.

Habang wala pang institusyonal na pagwawasto sa pambansang pang-aapi ay mananatili ang sobinismo o mababang pagtingin sa mga pambansang minorya sa hanay ng maraming mamamayan. Tungkulin ng progresibong kilusan na bakahin ito sa pamamagitan ng edukasyon, kapwa sa pambansang minorya at sa mayorya, at sa magkasanib na mga pagkilos at pakikibaka, gaya ng isinagawa nating salubungan kahapon sa Mendiola at sa maraming ibang salubungan sa mga dinaan natin sa ating paglalakbay.

Sariling Pagpapasya

Itinuturo ng kasaysayan na ang pagsasamantala at pang-aapi ay nagbubunga ng paglaban. Ang paggigiit ng karapatan sa sariling pagpapasya ay naging tugon sa paninikil, diskriminasyon, at di-pagkakapantay-pantay (inequality). Ang sariling pagpapasya ay ang paggigiit ng kolektibong karapatan at identidad ng mamamayan laban sa pambansang pang-aapi.=

Sa kasalukuyan, maari nating tingnan ang karapatan sa sariling pagpapasya sa dalawang palapag. Una ay sa pambansang antas at ang kagustuhan ng mamamayang Pilipino na kumawala sa kontrol ng imperyalismong Amerikano. Mailulugar dito ang pagbanat ni Pangulong Duterte laban sa Estados Unidos at ang paggigiit ng indipendyenteng patakarang panlabas. Tayong mga progresibo ay sumusuporta dito, habang ang mga di pa mulat at may colonial mentality ay bumabatikos.

Ang pangalawang palapag ng sariling pagpapasya ay kung papaano maiwawasto ang pambansang pang-aapi sa mga pambansang minorya sa kasalukuyang panahon.

Makakatukoy tayo ng apat na anyo ng sariling pagpapasya:

  1. Mga ispesyal na batas (eg. IPRA, BBL)
  2. Lokal na autonomya (Tsina: regional autonomy, local autonomy)
  3. Pederasyon (USSR)
  4. Sesesyon o pampulitikang paghihiwalay at pagtatayo ng sariling estado

Ang sariling pagpapasya (self determination) ay ang karapatan ng mga katutubong mamamayan at pambansang minorya na malayang pumili ng kanilang istatus pampulitika at malayang tahakin ang kanilang pang-ekonomya, pang-sosyal at pangkulturang pag-unlad, sa sarili nilang bilis o bagal, nang hindi pinipilit. Ang pagpasya sa istatus pampulitika ay ang pamimili ng antas ng pagsasanib o hindi sa isang mas masaklaw na lipunan (Ehemplo ang usapin ng sesesyon o pagpapaloob ng Bangsa Moro sa Estado ng Pilipinas). Nangangahulugan ito ng paggigiit ng sariling identidad at paggogobyerno sa sarili o self-governance.

Sa pandaigdigang istorikong konteksto, ang sariling pagpapasya (RSD) ay ang karapatan na humiwalay sa isang mapang-aping estado at magtayo ng hiwalay na estado. Habang ang pagkilala sa karapatan sa sariling pagpapasya ay walang kondisyon, di ito nangangahulugan na ang paghihiwalay o sesesyon ang tanging solusyon sa lahat ng kaso ng pambansang pang-aapi. Ang riyalistikong programa para sa sariling pagpapasya ay nakabatay sa kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, sa istorikong konteksto, at kung ano ang kayang igiit at panindigan. Habang may iba’t ibang porma ng sariling pagpapasya, ang susing usapin ay ang antas ng pagkakaorganisa at pakikibaka ng partikular na katutubong mamamayan o pambansang minorya sa paggiit sa karapatan, at ang suportang maaring kabigin mula sa mas malawak na populasyon sa bansa at sa internasyunal.

Pagkakahati sa Uri

Sa kasalukuyang panahon ng imperyalistang globalisasyon ay napakalaki na ang mga pagbabago sa ekonomya, pulitika at kultura sa komunidad ng katutubong mamamayan at pambansang minorya. Wala nang makikitang purong tradisyunal na katutubong komunidad sa kasalukuyan. Habang malaki na ang dis-integrasyon, nakapagpapanatili pa rin ang katutubong mga istruktura at institusyon, kundiman paniniwala at sistema ng pagpapahalaga, sa iba’t ibang antas. Subali’t, ang riyalidad ay ang pagpapailalim na ng lahat ng mga katutubong pamayanan sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at ang pagsasanib ng mga katutubo sa kabuuang istruktura ng mga uri at ng bansa sa lipunan.

Nangangahulugan ito na nakahanay ang mga pambansang minorya sa mga uri sa lipunan. Ang karamihan ay kabilang sa mga demokratikong uri. Ang malaking mayorya ay mga magsasaka, na may demokratikong kahilingan para sa lupa. Ang katutubong magsasaka ang bumubuo ng pinakamalaking bilang ng nakikibaka sa pagtatanggol ng lupaing ninuno, kabuhayan at mga rikurso.

Nariyan din ang lumalaking bilang ng mga katutubong komunidad na naaagawan ng lupaing ninuno o napalilikas dulot ng militarisasyon. Napipilitan ang mga katutubo na maging pesante sa lupa ng mga panginoong maylupa o manggagawang bukid sa mga plantasyon. Nariyan din ang lumalaking bilang ng mala-manggagawa na pumapasok sa anumang mapagkakakitaan o nagbebenta ng lakas paggawa por dia atbp. Meron ding maliit na porsyento na nagbebenta ng lakas paggawa bilang manggagawa sa mga minahan atbp pagawaan. Nariyan din ang katutubong petiburgesya sa mga nakapag-aral at nakahanap ng trabaho sa gobyerno o pribadong kompanya. Nariyan ang ilang katutubo na nakapagtayo ng magandang negosyo na maihahanay sa pambansang burgesiya (hal. Narda’s). Habang mayroon ding ilang katutubo na nakahanay sa mga naghaharing uri, o nagagamit ng mga naghaharing uri para sa interes nila.

Bilang bahagi ng mga uri, ang mga katutubong mamamayan ay dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi kagaya ng iba pang kapatid natin sa uri, sa kamay ng mga panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador, at monopolyo kapitalista. Bilang bahagi ng bansang Pilipino, kabahagi din tayo sa kabuuang mamamayan na nagnanais ng tunay na kalayaan at demokrasya, at maggigiit sa sariling pagpapasya laban sa imperyalismo.

Walang dahilan upang ihiwalay ang mga pakikibaka ng mga katutubo para sa lupaing ninuno at sariling pagpapasya sa kabuuang pakikibaka ng mga demokratikong uri at sektor sa Pilipinas para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Kung tutuusin ang pinagmumulan ng pambansang pang-aapi sa mga katutubo ay siya ring pinagmumulan ng makauring pagsasamantala at pang-aapi. Sila ang mga reaksyonaryong naghaharing uri sa lipunan – ang mga malalaking panginoong maylupa, burgesya komprador at burukrata kapitalista. Ginagamit nila ang Estado bilang instrumento ng makauring paghahari upang imentina ang katayuan ng Pilipinas bilang makakolonyal at malapyudal, sa pangangayupapa sa dayuhang imperyalistang kapangyarihan.

Ang pakikibaka ng mga pambansang minorya para sa kanilang mga demokratikong karapatan ay hindi dapat nakahiwalay, bagkus ay nakasanib sa makauring pakikibaka ng mga demokratikong uri at sektor para sa pambansang kalayaan at demokrasya dahil ang kanilang mithiin para sa lupaing ninuno, sariling pagpapasya at pagkaka-pantay-pantay ay bahagi ng pambansa demokratikong programa.

Nakalululang isipin na sa harap ng pambansang pang-aapi at napakalaking mga salik na nagtutulak sa dis-integrasyon ng katutubo, ay andidyan pa rin at nakakapagpanatili ang mga katutubong pamayanan hanggang sa kasalukuyan. Hindi ba ang paggigiit na makapagpanatili ang mga tradisyunal na katutubong istrukturang sosyo-pulitikal, kultura at sistema ng pagpapahalaga (core values) ay pagtatakwil sa pagsasanib sa isang Estado na nagtataguyod ng pambansang pang-aapi at sobinismo laban sa pambansang minorya ay manipestasyon mismo ng paggigiit ng sariling pagpapasya?

Sa proseso ng pagbabago ng mga katutubong lipunan, malayong mas mabilis ang mga pagbabago sa larangan ng ekonomya kaysa sa larangan ng kultura. Ibayong napapabilis pa ang dis-integrasyon ng mga katutubong lipunan dulot ng development aggression at militarisasyon dahil naaagaw ang lupaing ninuno, nasisira ang mga tradisyunal na kabuhayan at napalilikas ang mga komunidad mula sa lupa at kalikasan na bahagi ng kanilang identidad.

Kung ano ang bilis ng pagbabago sa ekonomya ay siya namang bagal ng pagbabago sa kultura. Andyan ang penomenon ng culture lag, o ang di-pagsabay ng pagbabago sa pananaw sa daigdig, at sistema ng paniniwala at pagpapahalaga (value system) sa napakabilis ng mga pagbabago sa ekonomya.

Sa tingin ng marami ay passé o hindi na angkop sa kasalukuyang panahon ang katutubong paniniwala at kultura. Madalas ay nilalait pa ang mga ito. Subali’t ang katutubong sistema ng pagpapahalaga (system of values) na hawak-hawak pa rin, laluna ng mga matatanda (elders) at culture bearers, ay nakapagpanatili nang mahaba-habang panahon dahil may kabuluhan ito, laluna ngayong naghahanap ang mundo ng alternatibo sa karangyaan, maaksayang konsumo, at makasariling indibidwalismo ng dominanteng burges na sistema at kultura.

Kabilang sa mga positibong sistema na pagpapahalaga ay ang pang-uuna sa interes ng komunidad kaysa pansariling interes, ang pangangalaga sa rikurso at kalikasan para sa susunod pang mga henerasyon, ang simpleng pamumuhay at magiting na pagtatanggol, ang pagtitipid at di pagsayang ng anumang maari pang gamitin (indigenous tradition of ayyew precedes environmental reduce, re-use, recycle), ang innabuyog o bayanihan (mutual help), food sharing, at marami pang positibong kaugalian na may kabuluhan sa lahat ng panahon. Ang mga ito ay survivals mula sa sinaunang komunalismo at maaring tuntungan sa hinahanap nating sosyalistang alternatiba sa sistema ng monopolyo kapitalismo.

Nitong nakaraang mga taon, inilunsad ng mga kapatid nating Lumad sa Mindanao ang Manilakbayan upang itambol sa sentro ng kapangyarihan ang pang-aagaw ng lupang ninuno, ang militarisasyon sa kanayunan, ang pagpatay ng mga lider masa at myembro ng organisasyon, trumped up charges, atbp. Nitong nakaraang Nobyembre, nagsalubong ang mga katutubo sa Mendiola at naging bahagi ng malawak na protesta laban sa APEC. At kahapon ay nagsalubong ang mga katutubo mula sa iba’t ibang isla ng bansa at ng kapatid nating Moro upang ipanawagan ang kahingian para sa sariling pagpapasya at makatarungang kapayapaan.

Saksi tayo sa maraming malalaking tagumpay na natamo sa pagkaka-organisa ng pambansang minorya para igiit ang mga demokratikong karapatan at mga kahingian, na ipinuhunan ang pawis at dugo ng ating mga bayani at martir sa pakikibaka. Natuto tayong lutasin ang mga suliranin, maghanap ng alternatibong pag-unlad sa istorikong pagpapabaya ng gobyerno, magtayo ng mga paaralan, botika sa baryo, atbp sosyo-ekonomikong proyekto. Natuto tayo, sa tulong ng mga organisador sa kanayunan at kalunsuran, at advocate at support groups, na umasa sa sariling lakas, at pamahalaan ang sarili. Sa proseso ay nabubuo ang alternatibong kapangyarihan, mula sa baba paitaas sa ipapalit nating sistema sa bulok na malakolonyal at malapyudal na lipunan. At kailangan nating ipagtanggol itong nakamit nating mga tagumpay. Hindi be ito na ang kongkretong pagsasapraktika ng karapatan sa sariling pagpapasya?

Katatapos ang unang isang daang araw ng panunungkulan ng bagong pangulong Rodrigo Duterte. At sa loob ng unang isang daang araw ay binigyan niya ng prayoridad ang usapang pangkapayapaan, kapwa sa CPP-NPA-NDF, at sa MILF at MNLF. Napalaya ang mga NDF consultants upang maging bahagi ng peace talks, pero hindi pa ang kasunod ng bilanggong pulitikal na mapapalaya sana on humanitarian grounds. Katatapos ang second round ng formal peace talks, at may mga kasamang magbibigay ng updates kaugnay nito sa pagpapatuloy ng programa.

Tayong mga pambansang minorya ay naghahangad ng kapayapaan, ng makatarungang kapayapaan. Sinusuportahan natin ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa CPP-NPA-NDF, at sa MILF at MNLF, tungo sa paglulutas ng ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Gayunpaman, habang handa tayong sumuporta sa usapang pangkapayapaan, hindi maaaring bitiwan ang ating pagiging mapagbantay, at pagtatanggol sa natamo nang mga tagumpay. Dahil sa kahit may unilateral ceasefire ngayon sa magkabilaang panig, andidyan pa rin ang militar sa maraming komunidad, at nagbabanta ng karahasan. Nitong nakaraang mga araw lang ay may pinatay na lider katutubo-pesante at sumunod ay kabataan sa Compostela Valley, pangitain na hindi pa tapos ang Oplan Bayanihan at at ang IP-centric approach nito.

Sa usapin ng sariling pagpapasya, pinipili nating mga militanteng pambansang minorya na itakwil ang mapang-api at mapagsamantalang malakolonyal at malapyudal na lipunan, at aktibong lumahok sa pakikibaka para palitan ito ng isang pambansa demokratikong lipunan na may sosyalistang perspektiba. Ang anumang porma ng sariling pagpapasya na ibibigay ng gobyerno ay walang katuturan hangga’t hindi naibabagsak ang tatlong salot ng mamamayang Pilipino at maiwawaksi ang pambansang pang-aapi.

Sa proseso ng pakikibaka, magiging bahagi tayo ng pagbubuo ng isang bagong lipunan na may tunay na kalayaan at demokrasya, na magwawasto sa institusyonalisadong pang-aapi at diskriminasyon pambansang minorya, at kikilala sa karapatan ng mga katutubo sa lupang ninuno at sariling pagpapasya. Sa proseso ng kumon na pakikibaka ang mga pambansang minorya ay lalaban nang lubusan, kapantay ng mayorya, sa pagtatayo ng pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba.

Ito ang ating panata, at dahil ang ating pakikibaka ay makatarungan, tayo ay magwawagi!

Mabuhay ang nakikibakang pambansang minorya ng Pilipinas!

Isulong ang pakikibaka para sa sariling pagpapasya at makatarungan kapayapaan!

Suportahan ang usapang pangkapayapaan! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!

Magandang araw po sa ating lahat at maraming salamat.

Pin It on Pinterest